The Author


The Author
God's beloved since 1993.
Daughter of a KING. Therefore, a PRINCESS.
Romans 8:38-39

Thursday, February 10, 2011 @ 1:05 PM | leave a comment ( 0 )

Ang sarap isipin na may isang taong nagmamahal sa'tin. Mas masarap pa nga sa pakiramdam pag nalaman mong marami pala sila at hindi lang iisa. Masayang malamang importante ka sa mga kaibigan mo na inaakala mong walang pakialam sa'yo. Masaya malaman na pag sinabi mong uuwi ka na sa bahay, excited na excited na sila. Masayang malaman na mahal ka ng kapatid mo na dati-rati lang ay isa sa mga laging nagiging dahilan ng sama ng loob mo. Masaya rin sa pakiramdam na pagkatapos kang sermonan ng bonggang-bongga ng nanay mo malalaman at maririnig mo sa kanya na nag-aalala lang siya para sa'yo kasi malayo ka sa kanila at mag-isa ka. Na nagkakaganun siya kasi wala siya sa tabi mo para maprotektahan ka sa aksidente o sakit, physically at emotionally, na pwede mong maramdaman. Masarap malaman na kahit sobra mo na nadurog ang puso ng tatay mo, para sa kanya, ikaw pa rin ang baby at prinsesa niya. Masarap din malaman na pagkatapos ng lahat kasalanan, pagkukulang at sama ng loob na idinulot mo sa mga pamilya mo, nagagawa ka pa rin nila patawarin.

Grabe ang sarap ng ganun no? Pero alam mo ba kung anong pinakamasarap at pinakamasaya sa lahat? Ang malamang mahal ka Niya. 'Wag ka mag-alala, di ito religious. Totoo naman kasi. Religious ba ang magkaroon ng relationship with God? Hindi ah. Pero balik na tayo sa main point ko.

Nung nalaman kong mahal na mahal Niya ako, grabe lang ang sayang nadama ko. Nag-uumapaw. Naiiyak ako na natutuwa. Minsan bigla na lang ako iiyak out of the blue. Ikaw ba naman kasi hindi maiyak pag nalaman mong mahal ka ng Diyos na siyang lumikha ng lahat. Tapos malalaman mo pang kaya Niya ginawa ang buong mundo at universe ay para sa'yo. Kaya Niya ginawa ang mga napakagagandang bituin ay para may makita kang maganda sa kalangitan pag gabi. Kaya may araw sa langit para mabigyan ka ng init at liwanag. Na kaya may mga puno, halaman at hayop sa mundo ay para meron kang kainin. Na kaya Siya gumawa ng tubig para lang may mainom at mapaliguan ka. Na ginawa Niya ang lahat ng iyon bago pa Niya tayo gawin.

Siguro iisipin mo, bakit Niya tayo ihinuli? Baka di Niya tayo talaga mahal. Biruin mo ihinuli Niya tayo. Diyan ka nagkakamali. Ginawa Niya muna ang lahat ng iyon kasi gusto Niya na pag ginawa na Niya tayo, puro kagandahan na agad ang makita natin. Ganun tayo ka-ispesyal at importante sa Kanya. At nung nagkasala na tayong lahat at nalayo na tayo sa Kanya, ipinadala Niya nag-iisang anak Niya na wala namang kasalanan para lang magbayad sa mga kasalanan natin. At isipin mo pa, kahit araw-araw pa tayo may pagkukulang sa Kanya, hindi Niya ipinagkakait mga pangangailangan natin. Minsan pinaghihintay pa Niya tayo bago natin makuha yug hinihingi natin kasi gusto Niya tamang-tama ang timing ng pagbigay Niya. Minsan hinahayaan Niyang magdoubt tayo sa Kanya para lang magsaliksik tayo tungkol sa Kanya at malaman pa natin lalo kung gaano Niya tayo kamahal. Binigyan Niya pa tayo ng kalayaan. Gusto Niya kasi tayo ang mamili sa mga bagay-bagay na gusto natin at hindi Siya. Kahit mismong ang desisyong mahalin Siya, ibinigay na Niya sa'tin. Kahit hindi Siya ang piliin natin, hindi pa rin nagbabago pagmamahal Niya sa akin. Naghihintay lang Siya lagi. Naghihintay para sa'yo.

Hindi ko naman ginawa tong post na ito para ma-convince ka or whatsoever. Actually, may gusto lang rin kasi Siya ipasabi sa'yo. MAHAL KA NIYA. Baka daw kasi nakakalimutan mo na. :)

Labels:



← OLDER POSTS | NEWER POSTS →